Isa sa mga konseptong paborito kong itinuturo ang institusyong panlipunan (marahil ay isinusuka na nga ng mga estudyante ko ito). Manghang-mangha ako kung paano naisakonsepto ng sibilisasyon ang kahalagahan ng isang institusyon at kung paano napapagalaw ito sa modernong mundo. Nabuo ang mga institusyon sa lipunan sa layuning palakasin at bigyang diin ang pinahahalagahan ng mga tao sa isang komunidad. Produkto ng tao ang institusyon para protektahan unang-una, ang tao, at ikalawa, ang sama-samang pinahahalagahan. Nais din protektahan ng mga institusyon ang lipunan mula sa mga taong may hawak ng kapangyarihan na hindi maisasantabi ang interes ng nakararami para sa sariling pagyaman.
Kung susundan ang kaso ng mga magsasakang taga-Sumilao, kahanga-hanga ang tagumpay na nakamit nila sa pagbabalik muli ng kanilang lupain. Ibig sabihin, naging epektibo ang paggawa nila ng pag-iingay para marinig, hindi lamang ng San Miguel at pamahalaan, kundi ng buong bansa na nakagugulat na hindi malay sa ganitong uri ng problema. Kabalintunaan ito dahil matingkad ang ganitong uri ng problema sa buong bansa at sa kanyanag kasaysayan, ngunit tila nakapikit ito sa pagtugon sa problema ng sakada.
Makikita rin ang tagumpay ng mga institusyong nakibahagi kung paano nila nagampanan ang kanilang mga tungkulin para tugunan ang pangangailangan ng tao na siyang pinagsisilbihan nila. Naipakita ang napakahalagang papel ng civil society sa pagpapatingkad ng kaso ng mga taga-Mindanao. Patuloy na umuusbong ang kapangyarihan ng civil society. Malawak ang kanilang saklaw, mula sa mga mag-aaral, akademya, Simbahan, hanggang sa NGO at PO.
Nais kong bigyang-diin kung paano nanguna ang Simbahan sa pagtataguyod ng paghingi ng solusyon sa problemang ito. Hindi pamumulitika o pakikialam sa pamahalaan marahil ang naging motibasyon ng Simbahan sa pagkakaroon ng posisyon ukol sa isyu, kundi nais iparating ang kahalagahan ng isang pananampalatayang nagtataguyod ng isang katarungan para sa lahat. Ang katarungan ay hindi lamang para sa mga taong may mabuti at maginhawang kalagayan sa lipunan, kundi ito ay para sa lahat. Ang pananampalataya ay hindi abstrakto, kundi umiiral sa araw-araw. Ang pag-iral nito ay mararanasan sa manipestasyon ng katarungan. Kung hindi nararanasan ang isang makatarungang lipunan, tinutulak ng pananampalataya ang tao para makamit ito.
Kahit paano, kailangang bigyan din ng komendasyon ang korporasyong nakipag-ayos sa mga magsasaka. Wala sa interes nila ang pakinggan ang hinaing ng nakababang uri. Ngunit, marahil dahil sa sunud-sunod na pag-iingay ng mga institusyon, kinailangan na rin nilang makinig at makibahagi sa pagbibigay solusyon. At ang pagbibigay ng lupa ang siyang hakbang.
Sa sama-sama at organisadong pagpapahayag, magkakaroon ng mas malakas na boses ang isyung itinataguyod. Pinatitingkad ng kaso ng Sumilao ang kahalagahan ng pagbibigay ng tiwala sa pinapahalagahan ng mga institusyong binuo ng lipunan.
Tinanong ng aking mga estudyante noon kung may pag-asa ba ang mga katulad ng mga taga-Sumilao na nasa mababang antas na nakikipagtunggali sa isang makapangyarihang institusyon. Marahil, mas malinaw na ang sagot ko ngayon.
Wednesday, April 16, 2008
Subscribe to:
Posts (Atom)