Sir Rene,
Hindi man lang ako nakapagpasalamat at nakapagbigay parangal bago ka man lang pumaibabaw sa sansinukuban. Nagpapaumanhin ako dahil doon. Lalo akong humihingi ng paumanhin dahil ipinagpalit kita sa ilang mga bagay na kaya namang ipagpaliban sa ibang araw.
Marami na ang pagpupugay sa iyo at marahil manliliit ito sa ibang manunulat. Ngunit anuman ang siyang maging paghuhusga nito, mananatiling itong personal na testamento ko para sa iyo, sa mga sandaling kita’y nakatrabaho at nakasalamuha at sa panghabambuhay na naiwan mo sa akin.
Ikaw ang kasama ko sa araw-araw noong ako’y bata pa. Sa mga palabas mo, namulat ako kina Pong Pagong, Kiko Matsing at iba pang tauhang nagturo at nagpatawa sa akin.
Pagdating ng kolehiyo, ang mga dula mo ang siyang nagturo sa akin kung paano maging tao. Ang mga dulang pinanood ko, binasa ko at mga papel na ginampanan ko na sinulat mo ang siyang nagbigay kahulugan kung ano ang buhay.
Nang magbalik ako sa aking pagkabata sa pagkukuwento, ikaw ang aking parating itinatanghal. Ang mga mapangahas na temang pambatang-pangmatanda ang siyang nagbigay ng dahilan kung paano ko gugugulin ang buhay.
Ang mga sanaysay mo ang siyang nagtulak sa akin para sabihing ipagpatuloy ang paglikha ng sining, sa anumang paraan.
At sa kakaunting oras na ikaw ay aking nakasama, nakausap, at nahingan ng payo, ikaw ang siyang nagpaliwanag kung ano ang ibig sabihin ng pagpapakatotoo sa sarili, bago sa iba.
Sa lahat ng ito, salamat. Kulang ang isang artikulo para ilarawan ang aking galak na ikaw ay aking nakilala.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment